-- Advertisements --

Agad na pagbabawalan ng mga awtoridad ang pagsasagawa ng campaign rally ng mga kandidato kung walang maipapakitang permit ang mga ito.

Sinabi ni Department of Interior Local Government (DILG) spokesperson Jonathan Malaya na maaaring ipag-utos ng nakatalagang election officer na pigilan ang anumang campaign activity kung walang mga permit ang mga ito.

Upang mapayagan kasi na makapagsagawa ng in-person political activities tulad na lamang ng motorcade at campaign rally ang mga tumatakbong kandidato ay kinakailangang makakuha muna ang mga ito ng permit mula sa concerned LGU na ia-attach naman ng mga ito sa kanilang application sa Comelec para mabigyan sila ng permiso ng Comelec campaign committees,

Kailangan ma-secure ito ng mga kandidato, party o duly authorized representatives 72 hours bago ang isasagawang campaign activity.

Ayon pa kay Malaya ay nagkaroon na sila ng orientation sa mga kapulisan kasama ang iba pang kinatawan ng mga LGU ukol dito at bago pa aniya magsimula ang panahon ng kampanya ay ipinadala na ng kagawaran sa mga ito ang Comelec Resolution 10732 kung saan nakasaad ang lahat ng pamantayan na kailangang sundin ng mga kinauukulan sa pangangampanya kabilang na ang mahigpit na pagsunod sa minimum public health standards habang ginagawa ang naturang aktibidad.

Mapapatawan aniya ng kaukulang kaparusahan ang mga kandidato at taga-suporta na mapapatunayang hindi sumusunod sa nasabing pamantayan depende sa klase ng paglabag na nagawa.

Kung maaalala, noong Martes, Pebrero 8, nagsimula ang campaign period para sa mga national candidates habang sa March 22 naman nakatakdang magsimula ang panahon ng pangangampanya para sa mga local candidates para sa darating na halalan, na magtatagal naman hanggang sa darating May 7, 2022.