Pinaplantsa na ng Commission on Elections (Comelec) ang campaign rules ng mga kandidato sa barangay elections para sa loob ng mga kulungan.
Ito ang inihayag ni Comelec Executive Director Teopisto Elnas Jr., kasunod ng special satellite registration ng mga inmate sa Bilibid at iba pang penal colonies ng Bureau of Corrections (BuCor).
Ayon kay Elnas, nakikipag ugnayan na sila sa BuCor para sa isinasapinal na mga panuntunan sa pangangampanya sa mga piitan.
Kabilang aniya sa mga ito ay ang paglalagay ng campaign materials sa loob ng mga kulungan.
Sinabi pa ng opisyal na kung pahihintulutan ng BuCor ay papapasukin sa Bilibid ang mga kandidato para doon mangampanya at makilala sila ng mga botanteng inmate.
Binanggit pa ni Elnas na para sa barangay elections ay magtatalaga sila ng special polling center sa Bilibid para doon makaboto ang mga preso na nakarehistro sa mga barangay sa Muntinlupa City.
Paliwanag pa ng opisyal, ang mga balota mula sa mga presinto ng mga barangay kung saan nakarehistro ang inmate ay dadalhin sa Bilibid.
Pagkatapos aniya na makaboto ng PDLs ay ibabalik ang mga balota sa polling precincts upang mabilang ang mga boto.