-- Advertisements --

NAGA CITY – Nagdeklara na rin suspension of classes ang lokal na pamahalaan ang lungsod ng Naga kaugnay ng nararamdamang sama ng panahon na epekto ng tropical depression “Jenny.”

Sa ipinalabas na memorandum ni acting Mayor Nene De Asis, sinabi nitong epektibo ang nasabing kautusan sa kindergarten at elementary level ngunit sakaling mapanganib ang lugar at dadaanan ng mga secondary at tertiary students, pinaalalahanan ang mga ito na huwag nang pumasok para matiyak ang kaligtasan ng lahat.

Samantala, nagbigay na rin ng direktiba si Camarines Sur Governor Migz Villafuerte sa lahat ng mayor, Municipal Disaster Risk Reduction Management Council (MDRRMC), mga barangay kapitan at Barangay Disaster Risk Reduction and Management Committee (BDRRMC) para sa mas mahigpit na monitoring sa kanilang nasasakupan.

Iniutos din nito na agad na magpatupad ng preemtive evacuation kung kinakailangan lalo na sa mga flashflood at landslide prone areas.

Ilang mga bayan naman sa lalawigan ang nagpatupad na rin ng suspension of classes base sa kautusan ng gobernador na localized suspension depende sa kalagayan ng panahon sa isang bayan.

Layunin nitong maiwasan ang anumang aksidente lalo na sa mga lugar sa lalawigan na kasalukuyan ng nakakaramdam ng malalakas na pag-uulan.

Sa kasalukuyan, nasa ilalim na ng signal number 1 ang northeastern portion ng Camarines Sur.