NAGA CITY- Ibinandera na sa probinsya ng Camarines Sur ang Red Alert status matapos isailalim sa signal no.2 dahil sa banta ng Bagyong Ulysses.
Sa ibinabang memorandum ni Governor Migz Villafuerte, inatasan na nito ang lahat ng Emergency Operations Center at Incident Management Team na maging handa para sa muling mararanasang sama ng panahon dahil sa panibagong bagyo.
Ipinatupad na rin ang “No Sailing” policy habang nagsagawa narin ng Pre-Disaster Assessment ang mga Local Disaster Risk Reduction and Management Council sa mga lugar at pag bibigay abiso sa mga residente.
Samantala sinimulan na rin ngayong araw ang pagsasawaga ng preemtive evacuation sa mga pamilya na nasa mga lugar na tinuturing na high risk areas.
Mahigpit na paalala parin ng gobernador na tiyaking ligtas at nasusunod ang mga health protocols sa mga evacuation center.
Nabatid na bago paman sinimulan ang pagsasagawa ng preemtive evacuation ay isinailalim muna sa check up at rapid diagnostic test ang mga groupo na itinalaga ng Provincial Incident Management Team na tutulong sa iba’t ibang municipalities.
Sa ngayon kasalukuyan paring walang supply ng kuryente at nakakaranas parin ng mahinang signal ang malaking bahagi ng probinsya ng Camarines Sur dahil sa una ng pananalasa ng bagyong Quintah at supertyphoon Rolly.