Hindi na magpapadala ng mga atleta sa 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan ang mga bansang Canada at Australia dahil sa panganib na dala ng coronavirus outbreak.
Sa pahayag ng Olympic committee ng dalawang bansa, binigyang-diin nila ang kahalagahan ng kalusugan at kaligtasan ng kanilang mga atleta laban sa sakit.
Ayon naman sa mga opisyal ng Australian Olympic Committee, malinaw na hindi mangyayari ngayong taon ang Olympics kaya inaasahan nilang sa susunod na taon na ito maidaraos.
Bago ito, inihayag ng executive board ng International Olympic Committee na kanila nang ikinokonsidera ang pagpapaliban sa Tokyo Games.
Paglalahad ng IOC board, ilang mga opsyon ang kanilang ikinokonsidera, kasama na ang pagbabago sa ilang mga plano para tuloy pa rin ang pagbubukas ng Olympics sa Hulyo 24, at ang pagpapalit ng start date ng sporting event.
Hindi naman aniya nila kakanselahin ang Tokyo Games dahil sa ayaw daw nilang masira ang pangarap ng mga atletang nangangarap na makatuntong sa Olimpiyada.
Samantala, sa kauna-unahang pagkakataon ay inamin ni Japanese Prime Minister Abe Shinzo na posibleng maging opsyon ang pagpapaliban sa Summer Games.
Paliwanag ni Abe, sakaling maging mahirap ang sitwasyon, wala na raw silang magagawa kundi i-postpone muna ang pagsasagawa nito.