Ikinalungkot ng Canadian government ang biglaang pag-reall ng Pilipinas sa mga kinatawan nito sa kanilang bansa dahil lamang sa hindi naresolbang isyu sa basura base sa deadline na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa pahayag ng kanilang foreign ministry, “disappointed” sila sa hakbang na ito ngunit nananatili ang commitment na matanggal sa ating bansa ang halos 70 shipping containers na puno ng basura.
Giit nila, ginagawa ng Ottawa ang lahat para maresolba ang problema, subalit may mga isyu lamang na hindi pa nareresolba, kagaya ng magbabayad sa shipment at iba pang usapin.
Wala namang ibinigay na time table ang Canada para matuldukan ang problemang ito.
Nabatid na ang nangyaring shipment ay kinasasangkutan din ng ilang negosyanteng Pinoy para sa planong pag-recycle ng mga basura, subalit natuklasang hospital waste at hazardous materials ang ilan sa mga ito.