Nakahanda na ang plano ng Canada para sa basurang ibabalik ng Pilipinas sa darating na Hunyo.
Ayon kay Sav Dhaliwal, chairman ng Metro Vancouver, may rekomendasyon na ang Environment and Climate Change Canada na dalhin ang 1,500 tons ng basura sa Burnaby para ma-convert bilang electric power.
Ito ang nakitang paraan ng Canadian government para maging kapaki-pakinabang pa rin ang basura na ilang taon nang naipadala sa Pilipinas.
“We have the technology and capacity to safely and efficiently handle this type of material,” wika ni Dhaliwal.
Nabatid na naipasok ito sa bansa makaraang ideklarang recyclable materials, kung saan ang consignee ay negoste mula sa Valenzuela City.
Patuloy naman ang pangangalampag ng mga Global Alliance for Incinerator Alternatives (GAIA) na bilisan na ang pagtanggal ng basura sa Pilipinas at ibalik ang mga basura sa Canada, Hong Kong, South Korea at Australia.
“Dapat seryosohin ng mga bansang ito ang patakaran sa Pilipinas na nagbabawal sa pagpasok ng mapanganib na uri ng basura,” wika ni Beau Baconguis ng Global Alliance for Incinerator Alternatives.