Pinapalaki ng Canada official development assistance nito sa Pilipinas habang ganap nitong ipinatutupad ang Indo-Pacific Strategy.
Sa kanyang opisyal na pagbisita sa Pilipinas, inihayag ng Minister of International Development ng Canada na si Ahmed Hussen na ang Ottawa ay naglaan ng 15 milyong dolyar o humigit-kumulang P627 milyon sa mga bagong pamumuhunan.
Ito ay upang mapabuti ang climate adaptation at palawakin ang access sa mga health services sa Pilipinas.
Sinabi ni Hussen na ang naaprubahang pagpopondo ay inaasahang magsisimula ngayong 2024.
Sa kabuuan, ang Canada ay magbibigay ng 8 million Canadian dollars sa loob ng limang taon sa grant financing upang mabuo ang katatagan ng mga mahihinang komunidad sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga solusyong nakabatay sa kalikasan, tulad ng reforestation at coastal wetlands restoration para sa climate adaptation.
Ang proyekto ay nagta-target ng anim na rehiyon sa buong bansa na kumakatawan sa pangunahing biodiversity o mga protektadong lugar.
Sa mga health services, ang Canada ay magbibigay ng 7 million Canadian dollars sa loob ng anim na taon sa grant financing upang matulungan ang bansa na ipatupad ang Universal Health Care Act nito at palakasin ang kapasidad ng mga lokal na pamahalaan.