Nanawagan ng suporta ang gobyerno ng Canada sa Pilipinas para sa nagpapatuloy na negosasyon para sa free trade agreement sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Ayon sa Presidential Communications Office, binanggit ito ni Canadian Foreign Minister Melanie Joly sa kaniyang naging courtesy call para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malakanyang.
Paliwanag ni Joly, ito ay sa layunin ng Canadian government na palawigin pa ang kooperasyon ng kanilang bansa sa Pilipinas kabilang na sa usapin ng agrikultura, at pagpapatatag pa ng people-to-people ties ng dalawang bansa pamamagitan naman ng pag-aalok ng scholarships sa mga Pilipino.
Kaugnay nito ay ipinahayag naman ng Pangulo ang ang kanyang pagnanais na ituloy ng Pilipinas ang isang strategic partnership sa Canada upang palakasin ang bilateral ties ng dalawang bansa.
Ang naturang Foreign Minister ay mananatili sa Pilipinas sa loob ng tatlong araw na layuning mai-promote pa ang regional stability at rules-based international order, at gayundin ang pakikipagtalakayan sa panibagong Indo-Pacific strategy ng Canada kasama ang mga opisyal ng Pilipinas.
Samantala, nakatakda namang markahan ng Canada at Pilipinas ang kanilang ika-75 taon ng bilateral na relasyon sa 2024.