Nakatakdang bumisita si Canada Minister of Foreign Affairs Mélanie Joly ngayong linggo sa ating bansa.
Ito’y upang isulong ang bilateral cooperation at ang pagpapatupad ng Indo-Pacific Strategy ng Canada.
Kasama sa pagbisita ni Joly sa Maynila mula Mayo 18 hanggang 21 ang pakikipagpulong kay Foreign Affairs Secretary Enrique A. Manalo at iba pang miyembro ng Gabinete upang talakayin ang panrehiyong seguridad at katatagan at pagpapanatili ng isang rules-based na internasyonal na kaayusan.
Kasama rin sa agenda ang Indo-Pacific Strategy ng Canada, na kinabibilangan ng paglalaan ng $1.7 billion sa susunod na limang taon sa plano na naglalayong mabawasan ang mga panganib na dulot ng China.
Nauna nang sinabi ng gobyerno ni Prime Minister Justin Trudeau na ibinabatay nito ang diskarte nito sa limang pangunahing usapin, ito ay pagtataguyod ng kapayapaan at seguridad, lalo na sa pamamagitan ng pagpapadala ng barkong pandigma sa rehiyon; pagpapalakas ng kalakalan at pamumuhunan; pagpapalakas ng “feminist international assistance”; pagpopondo sa mga imprastraktura; at pagtaas ng diplomatikong presensya nito.
Makikipag-ugnayan din si Joly sa mga opisyal ng gobyerno, non-government organization, at civil society leaders ng Pilipinas para magkaroon ng mga insight sa mga hamon na kinakaharap ng Pilipinas.
Bago ang kanyang pagbisita, bibiyahe si Joly sa Seoul, Republic of Korea mula Mayo 15 hanggang 17 bago nakatakdang dumating sa ating bansa.