VIGAN CITY – Iniimbestigahan pa ng mga otoridad sa Vigan City, Ilocos Sur ang sanhi ng pagkamatay ng isang Canadian national sa loob ng tinuluyan nitong transient house sa Barangay Capangpangan, Vigan City, kagabi.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, natagpuan na lamang kagabi sa loob ng isang kwarto ng hindi na pinangalanang transient house ang bangkay ng biktimang si Michael Skuca, 29, naninirahan sa Toronto, Canada na nagbakasyon lamang sa lalawigan, kasama ang kaniyang mga kaibigan.
Ayon sa mga kasamahan nito, hindi umano sumama sa kanila kahapon ang biktima sa pagpunta sa Ilocos Norte dahil iniinda nito ang sakit sa ulo at pagod sa 13 oras na biyahe.
Nang matagpuan ang bangkay ng biktima, nakita malapit dito ang kaniyang cellphone na tila may pinapanood.
Maliban pa sa cellphone ng biktima, nakita rin sa loob ng kwarto ang iba’t ibang gamot o maintenance ng biktima, pati na ang ilang pain reliever na posibleng ininom nito bago ito namatay.
Sa ngayon, naipaalam na ng Vigan City police station ang nangyari sa biktima sa embahada ng Canada.