ROXAS CITY – Mas naging “united” pa umano ang mga Canadians sa pagsuporta sa Toronto Raptors na naghahangad na makamit ang kampeonato sa NBA Finals sa unang pagkakataon laban sa defending champion na Golden State Warriors.
Sa ulat ni Bombo international correspondent Zairah Joy Andrade, tubong Roxas City, Capiz na nakabase ngayon sa Toronto, Ontario, Canada, inihayag nito na nananatiling positibo ang mga taga-Canada na mananalo ang Raptors sa kabila ng homecourt advantage ng Warriors sa Game 6.
Dahil sa kauna-unahan aniyang pag-abanse ng Raptors sa NBA finals sa kabuuan ng kanilang franchise history, nagbubunyi ang mga Canadians at mas ipinakita pa ang kanilang suporta bilang isang estado.
Nakakatindig balahibo aniya ang ipinakitang pag-isa ng mga Canadians sa sabay-sabay na pagkanta ng “O Canada” bago magsimula ang Game 5 kung saan hindi pinalad ang Raptors.
Kung maalala nasilat nga ng Golden State ang Toronto sa Game 5 para i-extend ang serye sa score na 106-105.
Kaabang-abang naman ang next game sa Biyernes, Hunyo 14, sa homecourt ng GSW.