NAGA CITY-Mas marami ngayon kumpara sa dati ang mga cancer survivors sa Rehiyong Bikol.
Sa pagharap sa mga kawani ng media ni Dr. Aileen Guerzon, isang Pediatric Oncologist, batay umano sa kanilang karanasan sa mga pasyente, mas marami ang nakakakumpleto ng treatment dahil mas avalaible na ang gamot, kumpara ilang taon na ang nakaraan kung saan kinakailangan talaga ng malaking pinansyal na kakayahan upang makapagpagamot.
Dagdag pa ni Guerzon, ito ay lalo na sa mga pasyenteng may breast cancer.
Mayroon din umano silang kumpletong treatment mula sa chemotherapy, radiation, hormonal treatment, at maintenance mood therapy.
Ayon kay Guerzon, nais nilang ipalaganap ang impormasyon tungkol sa kanilang inaalok na mga paraan ng paggamot dahil may mga pasyenteng nahuhuli sa paggamot dahil hindi nila alam kung saan sila dapat pumunta.
Dagdag pa nito, sa pagpapalaganap ng impormasyon, mabibigyan ng mas malaking tiyansa ang mga pasyente na mabuhay.
Samantala, ayon kay Dr. Bernadette Cid-Cuenco, isa rin Pediatric Oncologist, ang prinsipyo sa paggamot ng cancer ay pareho sa lahat ng edad, kung saan ang maagang pagkakatuklas ay may malaking epekto sa survival.
Sa mga bata, ang pinaka-karaniwang uri ng cancer aniya ay leukemia at lymphoma.
Sa kasalukuyan, wala pa rin epektibong screening method para sa mga sakit na ito sa mga bata kumpara sa mga nasa wastong edad na.
Karamihan sa kanilang mga pasyente ay mula aniya sa Rehiyong Bikol ngunit mayroon din silang mga pasyenteng mula sa Quezon.