-- Advertisements --
PMA CADET
Cadet 4th Class Darwin Dormitorio

CAGAYAN DE ORO CITY – Madaliang pagkamit ng hustisya ang pinakabuod ng isinagawang candle lighting at pag-aalay ng panalangin ng mga mag-aaral mula sa mga unibersidad at state colleges ng Baguio City sa tapat ng Philippine Military Academy (PMA) nitong Lunes ng hapon.

Nakibahagi ang mga mag-aaral at ilang mga magulang ng PMA cadets na kamag-aral ni late Darwin Dormitorio na namatay dahil sa hazing na kagagawan ng kanyang upperclassmen noong Setyembre.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni University of the Philippines (UP) Baguio University Student Council chairman Nico Ponce na wala silang ibang hangad kundi maipaabot ang mensahe sa pamunuan ng PMA na matigil na ang matagal ng kaso sa mga pagmaltrato sa mga kadete.

Sinabi ni Ponce na sana matigil na ang malpractice sa loob ng PMA at si Darwin na ang pinakahuling magiging biktima ng ilang upperclass men na mahilig sa pananakit sa mga plebo.

Ginunita ngayon ng pamilya Dormitorio ang ika-40 araw ng kanilang anak kung saan simpleng pagdalaw lamang ang ginawa nila sa puntod nito sa Oro Gardens sa Cagayan de Oro Ciy.