CAUAYAN CITY- Isinagawa ng 5th Infantry Division Phil. Army ang candle- lighting rally para sa kaluluwa ng mga biktima ng pagpatay ng mga kasapi ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front ( CPP-NPA-NDF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Army Maj. Melvin Asuncion, executive officer ng CMO Battalion ng 5th ID na ito ay bilang pagpapakita ng suporta sa mga panawagan ng mga magulang na pinamunuan ng league of parents of the Philippines pangunahin na ang liga ng Independencia Pilipinas at nang libu-libong mga magulang at kamag-anak na naulila dahil sa patuloy na karahasan ng CPP-NPA-NDF.
Ayon pa kay Maj. Asuncion, sa nasasakupan ng 5th ID ay umaabot na sa daan ang nabiktima ng naturang rebeldeng grupo.
Dahil dito, mayroon na rin silang inilunsad na movement na tinawag nilang Victims, Orphans and Widows of CTG atrocities sa probinsya ng Cagayan.
Pinagkaisa nila ang mga magulang at kamag-anak ng mga namatay na sundalo at mga kumpanya na naging biktima ng mga rebelde para manawagan na itigil na ang karahasan sa ikalawang rehiyon.
Katunayan aniya, kung hindi dahil sa pandemya ay magkakaroon sana sila ng malawakang aktibidad kaya idinadaan na lamang nila ngayon sa social media para manawagan sa publiko na itigil na ang pagsuporta sa CPP-NPA-NDF.
Sa ngayon, ayon kay Maj. Asuncion, mayroon ng 84 na na regular member ng NPA ang sumuko, 59 ang militia ng bayan habang mayroong 51 high powered firearms at 27 naman ang low powered firearms.
Patunay lamang aniya ito na epektibo ang kanilang mga kampanya para hikayatin ang mga miyembro at supporters ng makakaliwang grupo na sumuko na at magbalik loob sa pamahalaan.