Bukas ang kampo ni WBA, IBF, WBC middleweight champion Canelo Alvarez para sa posibilidad ng isang boxing match sa darating na Setyembre sa baluwarte nito sa Mexico.
Ayon sa kanyang manager na si Eddy Reynoso, nais daw nilang itapat kay Canelo ang pinakamagagaling sa nasabing weight division para sa unang laban nito sa kanyang hometown makalipas ang walong taon.
“We are going to look for something important in September, we want the best fighters and we are going to look for them,” ani Reynoso.
Una namang sinabi ng promoter ni Alvarez at boxing legend na si Oscar De La Hoya, maaari umanong maisakatuparan ang nasabing laban lalo pa’t mayroon na umanong mga diskusyon sa posibleng maging venue.
Ilan umano sa kanilang mga pinagpipilian ang Foro Sol o Estadio Chivas, at laglag na raw sa listahan ang Estadio Azteca dahil sa sponsorship issue.
Inamin din ni De La Hoya na ang pagkakaroon ng laban sa Mexico ay depende pa raw sa magiging katunggali nito na handang bumiyahe sa nasabing bansa para harapin si Alvarez.
“It’s an open option, that all depends on the situation, how Canelo feels, if he wants to fight in Mexico, if he wants to be in his land, but you also have to see which opponent wants to go to Mexico, which world champion wants to go to Mexico and wants fighting in front of Mexicans. We are going to see what happens,” wika ni De La Hoya.
Hindi pa ulit sumasabak sa isang boxing bout si Canelo sa Mexico buhat noong Nobyembre 2011 nang magapi nito si Kermit Cintron sa Mexico City.