Dismayado si Mexican boxing superstar Saul “Canelo” Alvarez sa magtanggal ng International Boxing Federation (IBF) sa kanyang middleweight crown.
Ito ang unang beses na nagsalita si Canelo matapos gawin ng PBF ang nasabing pasya nang mabigo ang kampo ni Alvarez na magkaroon ng kasunduan sa panig naman ni Sergiy Derevyanchenko para sa isa nitong mandatory title defense.
“I’m very upset and ashamed (along with) my fans, to have been unfairly stripped of my belt by the IBF,” ani Alvarez. “Especially, when I did not have the knowledge of the agreement that [Golden Boy Promotions] matchmaker had signed.”
Hindi pa nagbibigay ng kanilang tugon ang Golden Boy Promotions sa pahayag ni Alvarez.
Una nang naghayag ng kanyang pagkainis ang promoter ni Canelo na si Oscar De La Hoya.
Ayon kay De La Hoya, dismayado ito dahil nasa kalagitnaan pa raw sila ng dibdibang negosasyon sa promoter ng Ukranian slugger.
Inihayag pa ni De La Hoya, nais lamang daw ni Derevyanchenko na mapilit na mabakante ang titulo, na malaking insulto raw sa boxing.
Kaya naman kumbinsido raw si De La Hoya na hindi raw talaga interesado ang kampo ni Derevyanchenko sa naturang boxing match.