-- Advertisements --

Nakumpleto na ng lokal na pamahalaan ng Canlaon City ang paglikas ng mahigit 6,000 residente mula sa limang barangay na nasa loob ng 4-6km Permanent Danger Zone (PDZ) ng bulkang Kanlaon.

Ang mga apektadong barangay ay Pula, Masulog, Linothangan, Malaiba, at Lumapao.

Sa katunayan pa, sinabi ni Mayor Jose Chubasco Cardenas na nasa 107% pa umano ang kanilang pagcomply kung saan binubuo ito ng 2,093 pamilya o 6,739 na indibidwal at kasalukuyang nanunuluyan sa 9 evacuation camps.

Bukod pa rito, 344 na pamilya o 1,097 indibidwal ang kasalukuyang nakatira sa labas ng mga evacuation center.

Mananatili pa ang mga evacuees sa mga shelter hanggang sa ideklara ng mga awtoridad na ligtas na silang bumalik.

Sinabi pa ni Cardenas na unti-unti pa umanong tinutugunan ang mga problema sa bawat camp tulad ng sa tubig.

Nanawagan naman ang alkalde sa lahat na manatiling maging mapagmatyag.