Ibinunyag ni Canlaon City Mayor Jose Chubasco Cardenas na halos punuan na umano ang mga evacuation center ng lungsod dahil sa kamakailang pagsabog ng bulkang Kanlaon.
Sa datus na inilabas, as of 6pm noong Linggo, Disyembre 22, nanunuluyan sa 10 evacuation camp ang nasa 1,787 na pamilya o 5,821 indibidwal.
Naninirahan naman sa labas ng evacuation center ang 538 na pamilya o 1,727 indibidwal.
Patuloy pa ring nanawagan si Cardenas sa mga natitirang naninirahan sa loob ng 4-6km permanent danger zone na lumikas na matapos naobserbahan na nagkaroon ng volcanic unrest activity ang bulkan.
Mula alas-11:45 ng umaga nitong Lunes, Disyembre 23, napansin ang mga maitim na abo mula sa tuktok na may kasamang mahihina at mababang frequency na lindol.
May taas itong humigit-kumulang 1.2 kilometro na patungong hilagang-kanluran at inaasahan ang pag-ulan ng abo sa mga komunidad sa Negros Occidental na nasa hilagang-kanluran hanggang kanluran ng bulkan.
Kaya naman, paalala ng alkalde sa publiko na huwag balewalain ang banta ng bulkang Kanlaon at dapat unahin ang kaligtasan ng pamilya at bawat isa.
Aniya, kung sakaling mangyari ang worst-case scenario ay target pa nila ang 0 casualty kaya naman nanawagan ito ng kooperasyon ng lahat na lumikas na palayo ang mga naninirahan malapit sa bulkan habang maaga pa at manatiling alerto.