-- Advertisements --

Umaapela ngayon ng tulong sa national government ang pamahalaang Lungsod ng Canlaon sa Negros Oriental dahil paubos na umano ang Quick Response Fund (QRF).

Batay sa iniulat ng lungsod, as of December 15, bumaba ang Quick Response Fund sa P4.7 million pesos.

Ang naturang pondo ay kumakatawan sa 30 porsyento ng calamity fund na P11 million pesos ngunit nagamit kaagad kasunod ng unang eruption ng bulkang Kanlaon noong buwan ng Hunyo.

Samantala, batay sa pinakahuling datus kaninang ala 1 ng hapon, Disyembre 18, may kabuuang 1,749 pamilya o 5,642 na indibidwal ang kasalukuyang nanunuluyan sa walong evacuation camp sa naturang lungsod.

Bukod pa rito, 280 na pamilya at 899 indibidwal ang kasalukuyang nakatira sa labas ng mga evacuation center.

Umaasa naman si Mayor Jose Chubasco Cardenas na dinggin ng national government ang kanilang apela lalo pa’t hindi maaaring magdeklara ng state of calamity ang probinsya dahil sa legal na mga hadlang.