Mas dinoble pa ngayon ng Canlaon City government ang mga pagsisikap upang matiyak ang kahandaan para sa anumang mga kaganapan sa gitna pa rin ng nagpapatuloy na aktibidad ng bulkang Kanlaon.
Noong Martes, Disyembre 31, nang isinagawa ang Tabletop exercise para sa kanilang disaster preparedness initiative na Oplan Exodus kung saan isinagawa ang iba’t ibang scenario na maaaring mangyari kung sasabog ang bulkan.
Bahagi pa ng mas malawak na diskarte ng paghahanda ay ang evacuation simulation na kinasasangkutan ng 20 pamilya mula sa 10 evacuation camp ng lungsod kung saan dinala sa isang lugar ang mga ito bago tumuloy sa mga itinalagang evacuation center sa Vallehermoso.
Binigyang-diin pa ni Canlaon City Mayor Jose Chubasco Cardenas ang kahalagahan ng naturang drill para sa pagprotekta sa buhay ng mga nasasakupan nito.
Sa kasalukuyan ay nananatili pa rin sa Alert Level 3 ang Bulkang Kanlaon na nangangahulugang may mataas na aktibidad.
Nanawagan naman si Cardenas sa mga residente ng lungsod na mag-ingat, pagkakaisa at manatiling matatag kasabay ng pag-apela ng karagdagang tulong mula sa national government, non-government organizations at mga pribadong sektor para sa mga inilikas na pamilya.