Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na nalalapit na ang pagtatapos ng bilangan ng mga boto para sa mga tumakbo sa pagka-senador at party-list sa nagdaang eleksyon.
Sa ginanap na press briefing ng National Board of Canvassers para sa national at local elections 2022, sinabi ni Comelec acting spokesperson John Rex Laudiangco na sa ngayon ay 159 na mula sa 173 na mga certificate of canvass ang kanilang natapos na may katumbas na 91.91%.
Aniya, nasa 14 na mga canvass na lamang ang kanilang hinihintay mula sa 11 manual overseas voting COCs.
Sa ulat, nasa kabuuang 4,554 na mga overseas voters ang bibilangin ng komisyon kabilang na riyan ang 942 na mga voters mula sa Mexico, 1,175 mula Czech republic, 1,301 mula sa Nigeria, 236 sa Iran, at 900 na mga voters mula sa Kenya.
Nitong Lunes inaasahan din naman ang pagdating ng mga COC mula sa Hong Kong na may kabuuang bilang na 111,409 na mga boto gayundin sa Macau, at iba’t ibang bahagi ng mainland China.
Natanggap na rin naman ng komisyon ang mga manual certificate of canvass mula sa 63 na mga barangay na tinatayang mayroong 86,280 na mga rehistradong botante.
Iniulat din ni Laudiangco na napagdesisyunan ng Commission en banc na hintayin muna ang conduct mula sa 12 barangay na magsasagawa ng special elections bago pa man nila ipagpatuloy ang bilangan ng mga boto sa Lanao del Sur.
Samantala, pinawi rin naman ng komisyon ang pangamba ng publiko hinggil sa transmission at completion of certificate of canvass dahil maaari aniyang makita ang electronic partial and unofficial results sa kanilang website.