-- Advertisements --
Diamond Princess 1

VIGAN CITY – Nakahanda na ang local government unit ng Capas, Tarlac, sa nakatakdang pagdating ngayong araw sa New Clark City ng mga Pilipinong lulan ng MV Diamond Princess cruise ship na dumaong sa Yokohama City, Japan.

Ito ay kahit na nitong nakaraan ay nagreklamo ang Capas local government unit (LGU) at mga residente kung bakit sa kanilang lugar napagdesisyonang dalhin ang mga naunang batch ng Pinoy na galing sa China para sa 14-day quarantine kaugnay sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Capas, Tarlac Mayor Reynaldo Catacutan na wala na silang ibang magagawa kung hindi ang suportahan na lamang ang desisyon ng pamahalaan at pairalin ang pagmamalasakit sa kapwa Pilipino.

Ipinaliwanag nito na kaya lamang sila nagreklamo noong una ay dahil hindi ipinaalam sa kanila nang maaga ang desisyon ng pamahalaan na gawing quarantine facility ang New Clark City.

Gayunman, kung mayroon pa aniyang mga susunod na batch ng mga Pinoy na iqu-quarantine ay dadalhin na sa Nueva Ecija sapagkat sisimulan na nila ang paghahanda sa isasagawang (ASEAN) Paralympics 2020.