-- Advertisements --

VIGAN CITY – Hiniling na raw ng mga opisyal ng Capas, Tarlac sa gobyerno na sakaling mayroon pang susunod na batch ng mga Pinoy repatriates dahil sa coronavirus disease ay huwag nang dalhin sa Athletes’ Village sa New Clark City.

Kasunod ito ng pagdedeklara ng travel ban sa isang probinsiya ng South Korea dahil sa mabilis na pagdami ng mga naapektuhan ng COVID- 19.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Capas, Tarlac Mayor Reynaldo Catacutan na pagkatapos ng 14-day quarantine ng mga Pinoy repatriates mula sa Diamond Princess cruise ship ay agad sisimulan ang paglilinis at paghahanda sa Athletes’ Village na gagamitin sa ASEAN Paralympics 2020.

Inaasahan ng alkalde na papakinggan at pagbibigyan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang kanilang kahilingan na i-deretso na lang sa Mega Drug Rehabilitation Facility sa Nueva Ecija sakaling may mga kababayan pang uuwi mula sa mga bansang apektado ng sakit.