Pormal nang hinirang ni Pope Francis si Capiz Archbishop Jose Advincula bilang cardinal ng Simbahang Katolika.
Sa seremonyang isinagawa sa St. Peter’s Basilica nitong Sabado, isinuot ng Santo Papa sa 12 bagong mga cardinal ang tradisyunal na pulang biretta at ang cardinalatial ring.
Gayunman, dahil sa coronavirus pandemic, hindi nagtungo sa Rome sina Advincula at ang unang cardinal ng Brunei na si Bishop Cornelius Sim.
Sa halip, sumubaybay na lamang ang dalawa sa seremonya sa pamamagitan ng livestreaming ng Vatican.
Sinasabing ito rin ang unang pagkakataon na wala sa Vatican ng personal ang bagong cardinals para sa installation nila.
Ang 68-anyos na si Advincula ang kauna-unahang cardinal mula sa Archdiocese of Capiz.
Si Advincula na isa ring canon lawyer, ay nagsilbi bilang obispo ng San Carlos sa loob ng 10 taon bago siya hinirang na arsobispo ng Capiz noong November 2011.
Ikaapat si Advincula sa living Filipino cardinals, kasama si Luis Antonio Cardinal Tagle, na namumuno sa Congregation for the Evangelization of Peoples ng Vatican, at ang dalawang mahigit 80-anyos na sina Cardinal Orlando Quevedo at Gaudencio Rosales.
Samantala kasama naman sa binasbasan din ni Pope Francis ay ang kauna-unahang African American cardinal na si Wilton Gregory, 72, ng Washington, DC.