-- Advertisements --

ROXAS CITY – Kinumpirma mismo ni Capiz Governor Esteban Evan Nonoy Contreras na siya ay positibo sa Coronavirus Disease o COVID-19.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Contreras, ikinalungkot daw niya ang pagpositibo sa deadly virus matapos na isinailalim ito sa Real-Time Polymerase Chain Reaction o RT-PCR test kasunod ng pagpositibo ng dalawa nitong empleyado sa Governor’s Office.

Aniya, asymptomatic ito o hindi nakaramdam ng anumang sintomas ng naturang sakit kaya sumailalim sa 14 day strict home quarantine.

Sa kabila nito, magpapatuloy pa rin si Gov. Contreras sa kanyang tungkulin bilang gobernador kung saan ipapadala sa kanyang bahay ang lahat na mga papeles o mga dokumento na kanyang pipirmahan.

Naniniwala naman si Gov. Contreras na posibleng nahawa ito sa kanyang dalawang empleyado, taliwas sa kumakalat na isyu na nakuha niya ito dahil sa pagsundo sa mga Locally Stranded Individuals o LSIs na umuuwi sa lalawigan.

Kasunod nito, inatasan ng gobernador ang Provincial Health Office na magsagawa ng mahigpit na contact tracing sa mga indibidwal na nakasalamuha nito.