ROXAS CITY – Isinailalim na sa lockdown ang isang barangay sa lungsod ng Roxas matapos nakapagtala ng tatlong kaso ng local transmission ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang naturang lugar.
Ito’y kinumpirma ni Capiz Governor Esteban Evan Nonoy Contreras sa kanyang official statement at kumpirmadong positibo sa COVID-19 ang tatlong indibidwal na pawang mga residente ng Sitio Sakop, Barangay Culasi nitong lungsod.
Kasama na rito ang isang babae at dalawang lalaki na binawian na ng buhay habang ginagamot sa Roxas Memorial Provincial Hospital.
Ang naturang mga indibidwal ay pawang walang history of travel sa mga lugar na apektado rin ng kaso ng naturang sakit.
Patuloy naman ang isinasagawang contact tracing ng mga otoridad sa mga indibidwal na nakasalamuha ng mga nagpositibo.
Nanawagan naman ang gobernador sa mga mamamayan na manatili na lamang sa loob ng bahay at sundi ang mga health protocols upang masugpo ang pagkalat ng COVID-19 sa lalawigan.
Nabatid na umabot na sa 100 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan at apat dito ang binawian ng buhay dahil sa naturang sakit.