ROXAS CITY, CAPIZ – Biglaang natumba si Capiz Governor Fredenil ‘Oto’ Castro habang naghahataid ng kanyang accomplishment report sa unang isang daan na araw ng kanyang administrasyon, sa session hall ng Sangguniang Panlalawigan, sa Kapitolyo ng probinsya.
Ba-se sa impormasyon na nakuha ng Bombo Radyo-Roxas sa Kapitolyo, mahigit isang oras na nakatayo si Castro ng bigla itong natumba sa kanyang kinatatayuan na mabilis naman na tinulungan ng mga department heads at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.
Sinasabing magmula noong nagpatingin sa Doktor ang nasabing gobernador ng nagdaang buwan, naging limitado na ang kanyang paglakad at pagtayo dahil sa findings ng doktor na meron itong sciatica.
Naging madalang narin ang pagdalo ng Gobernador sa linggohang flag raising ceremony, dahil sa abiso ng kanyang doktor.
Kung matandaan, palaging naglilibot sa kabarangayan ng probinsya ang 71-anyos na Gobernador magmula sa kanyang pangangampanya hanggang naluklok ito sa puwesto.
Hindi din nagpapigil sa gobernador ang nasabing pagkatumba dahil matapos ang ilang minuto, nagpatuloy ito sa kanyang pag-uulat sa mga Capiznon.