ROXAS CITY – Kaagad isinailalim sa enhanced community quarantine ang buong Capiz kasunod ng naitalang unang positive case sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Sa press conference kagabi, sinabi ni Capiz Governor Esteban Evan “Nonoy” Contreras na sa bisa ng Executive Order (EO) No. 12, series of 2020 nito, ay lalo pang paiigtingin ang community quarantine sa lalawigan.
Sa naturang EO, mahigpit nang pinagbabawalan ang paggala ng mga tao sa lalawigan at may isang miyembro ng pamilya lamang ang mabibigyan ng home quarantine pass.
Kahapon nang inanunsiyo ng Department of Health-6 na nagpositibo sa COVID-19 ang 45-anyos na lalaki na tubong Jamindan, Capiz.
Dinala na sa Western Visayas Medical Center ang naturang pasyente dahil wala umanong nakikitang development ang mga health authorities sa kalagayan nito sa kabila ng aggressive treatment sa kaniya.
Nabatid na mayroon siyang history of travel sa Metro Manila at nakaramdam ng ilang sintomas katulad ng pangangati ng lalamunan, ubo at lagnat.