-- Advertisements --

ROXAS CITY – Personal na dumolog sa Bombo Radyo Roxas ang pamilya ng Capizeña OFW na nagtatrabaho sa Saudi Arabia na pinagmamalupitan ng employer.

Sa interview ng Bombo Radyo Roxas kay Mr. Manuel Villas Ofher, kapatid ni Anabel Villas Ofher ng Sitio Bangkal, Barangay Maninang, Sapian, Capiz, sinabi nito na isinumbong sa kanila ng kapatid na ginamitan ito ng spray sa mukha at dibdib ng employer at hindi pa nakuntento ay pinalantsa pa ang kamay nito.

Ayon kay Ofher na sa dalawang taong pagtatrabaho sa Saudi ng kapatid ay hindi na mabilang ang mga pananakit at pagmamalupit na ginawa sa kanya ng sadistang employer.

Dahil hindi na makayanan ang pananakit sa kanya ay humingi na ito ng tulong sa pamilya sa Pilipinas na nakipag-ugnayan rin sa mga ahensiya ng gobyerno.