-- Advertisements --

ROXAS CITY – Ang pangarap na makatulong sa mga pasyente sa ospital na nangangailangan ng ventilator ang pangunahing layunin ng grupo ng mga eksperto sa pamumuno ng Capizeño na si Dr. Abundio Balgas para ma-imbento ang ReliefVent o kilala bilang “GINHAWA”.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Abundio Balgos, sinabi nito na nagsimula silang gumawa ng locally made ventilator noong 2011 ngunit natagalan dahil hindi sila kaagad nabigyan ng funding.

Ang GINHAWA ventilator ay isang machine na kailangan sa Intensive Care Unit ng mga ospital para matulungan ang mga pasyente na may respiratory failure.

Kasunod nang pagkalat ng coronavirus disease 2019 sa Pilipinas ay kaagad nakipag-ugnayan sa kanilang grupo ang Department of Science and Technology (DOST) at pinabibilis ang pagproduce nila ang ReliefVent para kaagad magamit ng mga pasyenteng nahirapan sa paghinga.

Sa ngayon ay may 1,500 lamang na working ventilator sa buong bansa na kulang na kulang sa gitna ng COVID-19 crisis.

Nabatid na aabot sa P3.5 milion ang halaga ng isang ventilator, hindi hamak na mas mahal kumpara sa GINHAWA ventilator na aabot lamang sa P250,000 hanngang 300,000 ang isa.

Nabatid na nagsagawa na ng testing ang grupo sa mga tao at hayup tatlong taon na ang nakakaraan at muling magsasagawa ng pre-testing sa susunod na mga araw.