ROXAS CITY – Labis na kagalakan ang nararamdaman ngayon ng Grand Chorale ng Capiz State University matapos masungkit nila ang golden diploma sa patuloy na ginaganap na World Choir Games sa Gangneung, South Korea.
Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay Mr. James Olorosimo isa sa mga delegado ng Capiz State University sa nasabing patimpalak, sinabi nito, na halos walang mapagsidlan sa ngayon ang kasiyahang kanilang nararamdaman matapos nilang maibubulsa ang golden diploma lalo na’t ito aniya ang unang pagkakataong sumali sila sa isang international competitIon.
Dagdag pa ni Olorosimo na hindi naging madali ang kanilang pinagdaanan dahil kinailangan nilang talunin ang ilan sa magagaling na koro mula sa ibat-ibang bansa na nagpakita rin ng pang world class na performance pagdating sa pag-awit sa folksong acapella category.
Napag-alaman na binubuo ng 25 {dalawamput limang} mang-aawit ang nasabing koro na pawang mga estudyante at miyembro ng faculty ng Capiz State University at halos umabot sa isang taon ang naging preparasyon at pagsasanay nila para sa nasabing kompetisyon.
Lubos naman ang pasasalamat ng koro sa lahat ng sumuporta, nagdasal at ang nagbigay ng tulong pinansyal lalong lalo na sa Capiz State University, Provincial at City Government.
Sa ngayon ay pusposan narin ang paghahanda ng nasabing koro para sa darating pa nilang pagtatanghal na gaganapin sa Hulyo 11 (aonse) para naman sa Level 5 acapella category kung saan aawitin nila ang ilang mga international songs.