-- Advertisements --

Umani ng iba’t-ibang reaksyon ang ipinatupad na unang araw ng “car-less Sunday” sa bahagi ng Roxas Blvd. sa lungsod ng Maynila.

Marami dito ang natuwa dahil ligtas na nakapag-bike at nakapag-ehersisyo ang mga mamamayan nang walang inaalala ukol sa posibleng pagkakasagawa sa kanila ng mga kotse sa pangunahing lansangan.

Pero meron ding hindi nasiyahan, dahil kailangan pa raw nilang humanap ng ibang mga daanan kahit nagmamadali para sa kanilang lakad.

Pinangunahan ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto ang pag inspeksyon sa Move Manila-Car Free Sundays Route mula Padre Burgos Avenue hanggang Quirino Avenue.

Para sa alkalde, mahalaga ang kalusugan ng mga Manileño at Pilipino, kaya naisipan nilang buksan ang Roxas Boulevard para sa mga gustong mag-ehersisyo tuwing Linggo ng umaga.

Ang nasabing dry-run ay iiral tuwing Linggo hanggang June 30 mula alas-5:00 hanggang alas-9:00 ng umaga.

May ibang mga syudad na rin ang nagpakita ng interes para sundan ang sinimulan ng Manila LGU, lalo’t marami na ang nagsusulong ng healthy environment.