-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Matapos ang walang humpay na pag-ulan dulot ng low pressure area na naranasan ng Caraga Region nitong mga nakaraang araw, iniulat ng Office of Civil Defense o OCD-Caraga na umabot sa kabuu-ang 55,082 mga indibidwal o 14,714 na mga pamilya ang lubhang naapektuhan sa pagbaha sa buong rehiyon.

Ayon kay Ronald Anthony Briol, tagapagsalita ng Office of Civil Defense Caraga, ang Butuan City ang may pinakamataas na bilang ng mga evacuees na umabot sa 19,979 na mga indibidwal kungsaan ang iilan ay nagsi-uwian na.

Sa ngayon, nasa blue code alert status ang Caraga- Regional Disaster Risk Deuction and Management Council o Caraga-RDRRMC at mga Local DRRMCs dahil nakararanas pa rin ng localized thunderstorms ang buong rehiyon kung kaya’t pinapayuhan din ang publiko na maging alerto.

Base naman sa situational report ng Department of Social Welfare and Development-Caraga, inihayag ni DSWD-Caraga spokesperson Marco Davey Reyes na mahigit 1.7 milyong pisong halaga ng family food packs ang ipinamahagi na ng mga lokal na pamahalaan para sa mga evacuees.