Nakapagtala ang Caraga region ng dalawang kaso ng pagkamatay dulot ng pertussis, ayon sa Health authorities.
Una nang nakapagtala ang rehiyon ng 54 na kaso ng pertussis, o mas kilala bilang whooping cough, mula Enero 1 hanggang Hunyo 2 ng kasalukuyang taon.
Sa 54 na kaso, 45 ang kinonsiderang mga suspect at siyam ang napatunayang positibo. Dalawa sa siyam ang kinumpirmang nasawi.
Bilang tugon, nangako ang Department of Health Region 13 na magpapatuloy ang pagbabakuna laban sa pertussis at hinihikayat ang mga residente sa rehiyon na patuloy na sumunod sa minimum public health standards.
Ligtas at epektibo ang pagbabakuna laban sa pertussis, ayon sa DOH-13. Pinayuhan din ng kagawaran ang mga medical officer sa mga field health facility na magpatuloy sa pagmomonitor at agad na kumilos sa mga suspetsadong kaso ng pertussis.
Ang pertussis ay nagsisimula bilang isang banayad na ubo at sipon na nagtatagal ng mga dalawang linggo, na sinusundan ng mga paroxysms o pag-ubo na nagtatagal hanggang anim na linggo.
Mayroong kakaibang “whooping” o malakas na boses sa pagitan ng pag-ubo, lalo na kapag humihinga.
Maaaring magkaroon din ng pagsusuka kaagad pagkatapos ng pag-ubo at magkaroon ng bahagyang lagnat.
Sa mga sanggol, maaari namang hindi makaranas ng pag ubo, sa halip, maaaring maging asul ang kulay nila kapag umuubo, ayon sa DOH-13.