BUTUAN CITY – Wala pang paaralan sa Caraga Region ang nag-request na magsususpende ng kanilang klase dahil sa matinding init ng panahon na nararanasan din ng iilang lugar sa bansa dahil sa epekto ng climate change.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Pedro Tecson, tagapagsalita ng Department of Education o DepEd-Caraga na may mga guidelines na ang kanilang ahensya kung may ganitong kaganapan sa pamamagitan ng DepEd Order No. 7, series of 2022 lalo na kung mararamdaman ng mga school heads na hindi na conducive sa pag-aaral ng mga bata ang sobrang init ng temperatura sa loob at labas ng classrooms.
Ilalim sa nasabing kautusan, may kapangyarihan ang mga school heads na magsuspende ng klase na applicable din kung mayroong lindol, bagyo, pagbaha at iba pa base na rin sa advisory ng mga local government units at mga kaukulang ahensya ng pamahalaan.
Kung walang ipapalabas na advisory, ang mga school heads na ang mgdedesisyon kung magsi-shift ng klase mula sa in-person patungong distance learning upang ipagpatuloy ang pag-aaral ng kabataan.