BUTUAN CITY – Tanging ang Caraga State University o CSU Cabadbaran City campus lamang sa buong Caraga Region ang patuloy na tumatanggap ng mga estudyante kahit na tinapos na ng Commission on Higher Education o CHED ang pag-o-offer ng Senior High School program sa mga state universities and colleges matapos mag-expire ang kanilang kasunduan noong 2021.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, ipinaliwanag ni Pedro Tecson, tagapagsalita ng Department of Education o DepEd-Caraga na naisama sa naturang programa ang mga state universities and colleges matapos itong hilingin ng Department of Education, ma-accomodate lamang ang mga estudyanteng cover ng K-12 program noong 2016 na hindi na na-accomodate ng mga pampublikong paaralan lalo na’t kritikal ito noon sa panahon ng transition period.
Ngayong tuluyan nang tinapos ng CHED ang nasabing programa ay wala umanong problema dito ang DepEd dahil ang subsidiya ng mga senior high school students na nasa CSU-Cabadbaran City campus, ay aakuin ng lokal na pamahalaan.
Sa kabila ng desisyon ng CHED, nilinaw ni Tecson na magpapatuloy ang voucher program na naipasok sa K-12 para sa mga mag-aaral na nasa mga pribadong paaralan na hindi na na-accomodate ng mga public schools.