Ikinokonsidera ni dating National Youth Commission (NYC) head Ronald Cardema ang pagsasampa ng impeachment complaint laban kay Commission on Elections (Comelec) commissioner Rowena Guanzon kaugnay ng paratang na panunuhol.
Sa isang panayam sinabi ni Cardema na handa niyang ituloy ang planong pagpapatalsik sa pwesto ni Guanzon kung may tutulong sa kanyang hanay na humabi at maglakad ng kaso.
Kung maaalala, emosyonal na ikinwento ng dating NYC official ang tangkang panunuhol umano ni Guanzon sa Duterte Youth kapalit ng iba’t-ibang pabor. Iginiit din nitong si Guanzon ang nambanta sa buhay ng kanilang kampo.
Una ng nanindigan ang Comelec commissioner sa kanselasyon ng nominasyon ni Cardema sa Duterte Youth Party-list dahil labag sa panuntunan ng Party-list System Act ang aplikasyon ng dating NYC chairman.
Tinawanan din nito ang paratang na pagtatangka umano niyang pangingikil ng P2-milyon sa partido.
Dumistansya na ang Malacanang sa issue at sinabing hindi sila makikialam sa ano mang usapin na walang kinalaman sa trabaho ng palasyo.