Pinayagan ng Comelec si dating National Youth Commission chairman Ronald Cardema na maging substitute nominee para sa Duterte Youth party-list group, ayon kay Comelec chairman Sheriff Abas.
Pero ayon kay Abas, hindi pa nakakabuo ng desisyon ang Comelec kung eligible si Cardema, 33, para maging youth representative sa Kamara.
Sinabi ni Abas na majority sa mga Comelec commissioners ay pumabor sa hiling ni Cardema na maging substitute nominee sa Duterte Youth party-list.
Nag-abstain naman daw dito si Commissioner Luie Guia.
Kagabi, nagtungo si Cardema sa PICC nang iprinoklama ng poll body ang 51 party-list groups na nakakuha ng sapat na bilang ng boto para maging bahagi ng Kamara sa 18th Congress.
Isa ang Duterte Youth sa mga party-list na iprinoklama kagabi.
Samantala, kahit pinahintulutan ng Comelec si Cardema para sa substitution, sinabi ni Abas na maari pa rin daw itong hainan ng quo warranto para kuwestiyunin ang eligibility nito.
Nauna nang kinuwestiyon ng iba’t ibang grupo ang qualification si Cardema bilang party-list representatives dahil nakasaad sa ilalim ng party-list law na ang isang youth sector representative ay dapat mula 25 hanggang 30-anyos lamang.