Matapos ang ilang buwang pananahimik sa publiko, lumutang na si dating National Youth Commission (NYC) head Ronald Cardema.
Ito ay sa gitna ng diskwalipikasyon nito sa Duterte Youth party-list at paratang na pagbabanta kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon.
Emosyonal na dinepensahan ni Cardema ang sarili sa harap ng umano’y supporters nito sa kanilang kauna-unahang general assembly kanina.
“Hindi namin siya inaaway. Hindi kami nagsasalita. Kahit nga proof. Sinabi ko nga (kay Guanzon): ‘Ire-report ma’am sa NBI Cyber-crime or NTC para ma-locate yang nagte-text sa inyo. Wala namang response from her side.”
“Kahit na ang initiative to find out sinong nangha-harrass sa kanya, nasa akin na nanggagaling. Everyday sinasabi niya tayo (Duterte Youth) ang nangha-harrass sa kanya. Ngayon malalaman niyo yung secret text messages papunta kina commissioner Guanzon, papunta sa emisaryo niya, makikita niyo na ang pinapalabas niya siya ang biktima. Kami sa Duterte Youth ang biktima.”
Inilabas ng dating NYC official ang screenshot ng umano’y panghihingi nang kampo ni Guanzon ng suhol sa P2-milyon sa Duterte Youth.
Ayon pa sa alegasyon ni Cardema, nag-request umano ang panig ni Guanzon na tulungan ang appointment ng isang RTC judge at isang DPWH director.
Ito’y kapalit umano ng boto ni Guanzon para maging lehitimo ang accreditation nila noon bilang party-list.
Hinamon ni Cardema ang Comelec commissioner na ilabas ang sinasabing death threat na natanggap nito sa kampo ng dinisqualify na Duterte Youth nominee.
Pero agad na bumwelta si Guanzon, pakulo lang ni Cardema ang akusasyon para mag-inhibit siya sa mga kasong nakahain laban sa dating opisyal.
“Cardema held a presscon accusing me of demanding a favor in exchange for registration of his PL. wey???! Didn’t I vote yes to the registration of his PL? how come no Judge related to me was appointed?,” ayon sa commissioner.
Batay sa certificate of nomination ni Cardema, 34-anyos na ito bago mag-eleksyon dahil April 12, 1985 ang birthday nito.
Sa ilalim ng Section 9 ng Party-list Act, hindi maaaring mag-represent ng youth sector ang indibidwal na may edad 30-anyos pataas.