Kasalukuyan pang sinusuri ng pamunuan ng Philippine Military Academy (PMA) kung may foul play sa pagkamatay ng isang fourth-class cadet sa loob ng akademya nitong Miyerkules.
Ito’y kahit lumabas sa inisyal na imbestigasyon na cardiac arrest ang dahilan sa pagpanaw si Cadet 4CL Darwin Dormitorio.
Ayon kay PMA Spokesperson, Maj. Reynan Afan, iniutos na ng PMA Commandant of Cadets ang “restrictive confinement” sa upperclass at squadmates ni Dormitorio upang imbestigahan sa pagkamatay nito.
“He was a treasured cadet of PMA community. Our thoughts and prayer are with the Dormitorio family,” pahayag ni Afan.
Tiniyak naman ng PMA sa publiko na mahigpit nilang binabantayan ang kapakanan at kalusugan ng bawat kadete.
Batay sa ulat, cardiac arrest secondary to internal hemorrhage ang ikinasawi umano ni Dormitorio.
Natagpuan na lamang daw itong walang malay sa Room 209 ng Mayo Hall Annex.
Agad siyang dinala sa ospital at sinubukang i-revive subalit binawian na ito ng buhay.
Sa ngayon, kinordonan na ang nasabing kuwarto na itinuturing nang crime scene.
Mula Cagayan de Oro, lilipad pa-Maynila ang pamilya ni Dormitorio na sunduin ng PMA vehicle papuntang Baguio City.