-- Advertisements --

Hinimok ni Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga deboto ng Itim na Nazareno na ipakita si Hesus sa isa’t isa. Hinikayat niya rin ang mga ito na ipakitang dinadala sila ni Hesus tungo sa pagbabagong-buhay.

Sa kanyang homiliya sa ginanap na midnight mass sa Quirino Grandstand, inihayag ni Cardinal Advincula na nakikita ng Panginoon ang pagtitiis ng mga may sakit, ang pagod ng mga manggagawa, ang pagsisikap ng mga mahihirap, at ang pangungulila ng mga OFW. 

Dagdag pa nito, nakikilala umano ng Panginoon ang ginaw ng mga walang masuot at masilungan, ang kalam ng sikmura ng mga nagugutom at nauuhaw. Nakikita rin daw ni Hesus ang pagsisisi ng mga makasalanan at ang pagsisikap ng bawat isa. 

Pinaalalahan din ni Cardinal Advincula na ang tunay na deboto ay modelo at dapat umanong makita sa buhay niya ang mismong buhay ni Hesus. Saad niya pa, ang deboto ay modelo ng pananalig sa Ama at pagmamalasakit sa kapwa.

Pagkatapos ng kapistahan ng Itim na Nazareno, ang Quiapo church na tahanan nito ay idedeklara na bilang national shrine sa Enero 29.