Todo ang apela ngayon ng simbahang Katolika sa Myanmar na itigil na ang karahasan sa kanilang bansa kasunod ng serye nang pag-atake sa ilang mga simbahan.
Naglabas ngayon ng sulat si Cardinal Charles Maung Bo, ang archbishop ng Yangon, upang iparating ang kanyang labis na kalungkutan sa ginawang pag-atake sa mga inosenteng sibilyan na nagkanlong lamang sa Sacred Heart Church sa Kayanthayar, Myanmar.
Una nang napaulat na apat ang patay at mahigit sa walo ang sugatan na karamihan ay mga babae at bata.
Ayon sa arsobispo, ang mga salarin ay gumamit pa raw ng matataas na uri ng armas sa grupo ng mga biktima.
Nakiusap si Cardinal Bo na sana tigilan na karahasan ito at ‘wag nang palawakin pa ang giyera.
“It is with immense sorrow and pain, we record our anguish at the attack on innocent civilians, who sought refuge in Sacred Heart Church, Kayanthayar,” ani Cardinal Bo. “The violent acts, including continuous shelling, using heavy weaponry on a frightened group of largely women and children.”
Kung maalala mula noong Pebrero 1 ay hawak na ng militar ang gobyerno matapos ang isinagawang kudeta.