KALIBO, Aklan—Opisyal nang binuksan sa publiko ang Cardinal Jaime Sin Museum na makikita sa bayan ng New Washington, Aklan.
Pinasinayaan ito kasabay ng ika-96 taon na kaarawan ng Cardinal na isinagawa ng lokal na pamahalaan ng New Washington, Diocese of Kalibo at Serviam Foundation.
Ang nasabing museum ay kauna-unahang eklesyastikal na museo sa Western Visayas na magpapakita ng buhay at pamana ni Cardinal Sin na may mahalagang papel sa 1986 Edsa People Power Revolution.
Ang museum ay bukas para sa lahat partikular sa mga kabataan upang matutunan ang mabutang gawa at leksyon na iniwan ni Cardinal Sin.
Sa naging talumpati ni Bishop Jose Corazon Talaoc, Archbishop ng Diocese of Kalibo, inalala nito ang naging kontribusyon ng Cardinal sa kasaysayan ng bansa.
Lubos rin ang kaniyang pasasalamat sa Serviam Foundation sa tiwala na ibinigay sa kanila upang mabuo ang nasabing proyekto lalo na’t ang mismong museum ay dating bahay ni Cardinal Sin.
Kabilang sa mga makikitang memorabilia sa loob ng museum ay ang mga personal na gamit ng namayapang Cardinal na inalagaan ng Serviam Foundation.
Nabatid na si Cardinal Sin ay ang ika-30 Catholic Archbishop ng Maynila at ikatlong Filipino Cardinal na naging kilalang personalidad noong Edsa People Power Revolution 1986.
Ipinanganak sa bayan ng New Washington noong Agosto 31, 1928 at namatay noong Hunyo 21, 2005 dahil sa komplikasyon sa bato dulot ng diabetes.