-- Advertisements --

Iginiit ng Cardinal na na-convict dahil sa financial crimes at dating naging isa sa makapangyarihang personalidad sa Vatican na si Cardinal Giovanni Angelo Becciu na maaari siyang makibahagi sa nalalapit na papal conclave kasunod ng pagpanaw ni Pope Francis.

Ito ay kahit pa inilista siya ng Holy See press office bilang non-elector.

Paliwanag ni Cardinal Becciu na walang explicit will para pagbawalan siyang makibahagi sa papal conclave o humiling para sa kaniyang explicit renunciation.

Ang desisyon naman para sa paglahok ni Becciu ay pagpapasyahan ng dean ng College of Cardinals na sina Giovanni Battista Re, at Cardinal Pietro Parolin, na siyang mangangasiwa sa conclave proceedings sa loob ng Sistine Chapel.

Matatandaan na na-convict si Cardinal Becciu dahil sa embezzlement noong Disyembre 2023 at sinentensiyahan ng lima’t kalahating taong pagkakakulong.

Ang paglilitis kay Becciu ang kauna-unahang criminal trial ng isang Cardinal sa Vatican court.

Bagamat, nawala ang mga karapatan at pribilehiyo ni Becciu bilang isang Cardinal, hindi siya tinanggal mula sa College of Cardinals. Pinayagan pa rin siyang makibahagi sa pre-conclave discussions.

Base sa tradisyon, tanging ang mga Cardinal na may edad na mas mababa sa 80 anyos ang pinapayagang bumoto sa papal election. Sa ngayon, mayroong 135 na kwalipikadong Cardinals na makibahagi sa conclave at si Becciu na edad 76 anyos ay kwalipikadong makilahok pagdating sa kaniyang edad.