Nagsalita na rin sa unang pagkakataon ukol sa kanyang eksperyensya si Cardinal Luis Antonio Tagle matapos na gumaling mula sa COVID-19.
Ginawa ni Tagle ang pahayag nang magsilbi siyang keynote speaker sa pagtatapos ng online conference ng mga Catholic educators.
Inamin ng kanyang kabunyian na habang siya ay nag-iisa at nasa isolation, naranasan din niya ang takot at mga pangamba.
Kuwento pa ng kanyang kabunyian, kahit daw gumaling na siya mula sa deadly virus, nandyan pa rin ang pakiramdam niya na baka delikado pa siya sa ibang makakasalamuha.
Ang 63-anyos na si Tagle na isa sa malapit kay Pope Francis, ang siyang namumuno bilang prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples sa Vatican.
“But getting out of the quarantine I realized that for you to really survive, you need a deep sense of interconnectedness,” ani Cardinal Tagle. “Then you feel like maybe it is better to just isolate yourself. But then the isolation also bothers you.”
Kabilang din sa tinalakay ng Vatican offical ay ng tema ng Educational Association of the Philippines (CEAP) Congress na “Missio: Dialogue of Faith and Life and Culture Beyond Creed, Beyond Borders, Beyond COVID.”
Kung maalala si Tagle ay miyembro rin ng Congregation for Catholic Education at Pontifical Council for Interreligious Dialogue sa Roma.
Una nang dumating sa bansa si Tagle noong September 10 na para sana sa family visit pero bigla na lamang itong naging international headlines nang magpositibo siya sa COVID-19.
Gayunman nanatili siyang asymptomatic sa loob ng dalawang linggo sa kanyang self-quarantine.
Nitong nakalipas na September 23 ay lumabas naman ang negatibong test results.
“I’m very grateful to the many many people who prayed, assuring you that you are not alone,” wika pa ng kardinal sa kanyang virtual speech.