Itinalaga ni Pope Francis si dating Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle bilang isa sa mga miyembro ng makapangyarihang lupon na gumaganap nilang central bank ng Vatican.
Sa anunsyo ng Vatican, kasama ring naitalaga ni Tagle si Cardinal Peter Turkson ng Ghana bilang mga kasapi ng Administration of the Patrimony of the Holy See (APSA).
Ang nasabing tanggapan ang siyang nangangasiwa sa mga property na pag-aari ng Holy See upang makapaglaan ng pondong kailangan ng Roman Curia.
Si Tagle ang kasalukuyang prefect ng Congregation for the Evangelization of Peoples, habang si Turkson ang prefect ng Dicastery for Promoting Integral Human Development.
Noong Mayo 2020 nang itaas din ng Santo Papa si Tagle bilang cardinal-bishop, na pinakamataas na ranggo sa College of Cardinals ng Simbahang Katolika.
Siya rin ang pinakabatang cardinal-bishop sa edad na 62 at ang nag-iisang Asyano sa kanilang hanay.