Nagbigay ng espesyal na mensahe si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para sa mga magulang, guro at iba pang may otoridad sa lipunan para sa tamang pagtrato at pagkalinga sa mga kabataan.
Sa kanyang sermon kagabi sa misa ng Huling Hapunan, sinabi ni Cardinal Tagle na dapat mahalin ng mga magulang ang kanilang mga anak, ipadama ang pagmamahal ng Diyos para hindi sila magdudang may Hesus na nagmamahal.
Ayon pa kay Tagle, ang mga guro naman at iba pang nasa otoridad, dapat nilang ginagabayan ang mga kabataan at hindi pinagsasamantalahan, hindi niloloko, hindi ibinebenta para pagkakaperahan.
Binigyang-diin ng Kanyang Kabunyian na gaya ni Hesus, mahalin natin ang mga kabataan hanggang katapusan.
“Para po sa mga magulang, sana maipadama ninyo sa inyong mga anak ang pagmamahal ng Diyos sa kanila para hindi sila magduda na may Hesus na nagmamahal. Para po sa mga teachers, para sa mga may responsibilidad sa lipunan, ang mga kabataan ay dapat gabayan, hindi dapat pagsamantalahan. Ang kabataan minamahal, hindi ibinebenta, niloloko at pinagkakuwartahan. Like Jesus, let us love the youth until the end,” ani Cardinal Tagle.