-- Advertisements --

Nagpahayag nang pagkabahala at pagkahabag si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga kabataang naging preso at alipin na ng cellphone.

Ginawa ni Cardinal Tagle ang pahayag sa kanyang pangunguna sa Chrism Mass and Renewal of Commitment of Priestly Service sa Manila Cathedral nitong Holy Thursday.

Sinabi ni Tagle, mistulang prison guard na ang cellphone na laging nakabantay sa atin at kung tumunog, hindi na mapakali at nagmamadali tayong tutugon na parang tinatawag ng Diyos.

Pero kapag ang Diyos umano ang tumatawag sa atin, minsan hindi nakikinig.
Minsan kahit daw nagmimisa, pasimple pang dudukutin ang cellphone at kunwari nagme-meditate, tutungo pero titingin sa text.

Inihayag ng kanyang Kabunyian na kaya daw ang mga kompanya ng cellphone ay kumikita at yumaman sa ating pagkaalipin sa kanilang produkto.

Naibahagi pa ng cardinal ang kanyang karanasan kung saan habang “consecration” ng Holy Eucharist ay biglang may tumunog malapit sa kanya at hindi inakalang ilalabas at gagamitin ng kanyang tinutukoy ang kanyang cellphone sa mismong banal na bahagi pa ng misa.

“Yang cellphone, ‘yang cellphone, parang prisoner na, parang guard, para kang binabantayang lagi. ‘Pag tumunog para tayong mga ano, “Yes Lord, speak Lord, I am here.” Pero kapag ang Diyos ang nagsasalita minsan hindi nakikinig, pero ang cellphone hindi mapakali, kahit nga nagmimisa eh,” ani Cardinal Tagle.