Umapela si dating Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga mananampalatayang Katoliko sa buong mundo na hanapin ang maidudulot ng krisis sa coronavirus sa wastong paggunita ng Kuwaresma.
Sa isang mensahe, sinabi ni Cardinal Tagle sa mga Pilipino na ipagpatuloy lamang ang pagdarasal, pag-aayuno, at pagtulong sa mga nangangailangan, lalong-lalo na ngayong panahon ng krisis.
“Magtulungan tayo sa pamamagitan ng pagaayuno sa hindi mahalaga, pagkakawanggawa sa mga nangangailangan at manalangin na may tiwala sa panginoon,” wika ni Tagle.
Ayon pa kay Cardinal Tagle, ang fasting ay maaari ring gawin sa pamamagitan ng pag-iwas sa dating mga gawain gaya ng pagsa-shopping o panonood ng mga pelikula.
Paliwanag pa ng Kanyang Kabunyian, posibleng ito ay pagpapaalala tungkol sa pamumuhay lamang ng payak.
“Baka ito ang paalala sa atin na ang mundo, na nasanay na tayo na lahat ng gusto natin ay makukuha natin, maging simple. Piliin kung ano talaga ang mahalaga at mag-ayuno,” dagdag nito.
Batid din daw nito na mayroong nangyayaring panic buying at mga nananamantala ng pagkakataon para pagkakitaan ang pangangailangan ng iba.
Kaya naman, sa halip na matakot at mabahala, hinimok ni Tagle ang lahat na manalangin at kausapin ang Panginoon.
“Kilalanin natin siya, sundin ang kaniyang kalooban, makinig sa kaniyang salita at isagawa ang kaniyang bilin. Iyan ang panalangin,” ani Tagle.
Magugunitang si Cardinal Tagle ay itinalaga ni Pope Francis bilang prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples ng Vatican.